Cherreads

Chapter 6 - Perlend and Phoenix Curse

Ang reyna ng peronica ay nakaupo sa balkonahe, habang malungkot na lumalakbay ang isip sa maghapong seremonya kanina. Ang silid ng prinsesa na may magarang lumang damit na nakasuot sa manikang malaki, at ang trono ng hari ay parang multo nagpaparamdam sa kanyang gunita. Kaya kahit nanlupaypay ang kanyang mga buto, tumayo siya at lumakad. Nakikidalam-hati ang kanyang sariling repleksyon sa salamin sa kanyang pangungulila sa tuwing nadadaanan niya ang mga pader na gawa sa babasaging Krystal. Katatapos lang ng seremonya sa pagsunog ng patay ng kanyang asawa, ang hari ng Peronica. Ang itim niyang gown para sa seremonya, pagod na rin sa pagpapatuyo ng mga luha ng reyna. Ayaw na rin siya buhatin ng kanyang sandalyas na parang karwahe na tumirik sa daan.

Hapon na ng mga oras na yun, mapanglaw na rin ang sikat ng araw, ang bulong ng mga silid ay tahimik na, tanging ang nagdalamhating musika sa buong bayan ang umaalpas sa nangungulilang puso ni Reyna Pyramia, naglakad siyang nakapaa at matamlay ang kanyang balikat, habang hawak-hawak niya ang korona ng hari papunta sa mga silid. 

Nang madaanan niya ang silid ng prinsesa, bigla na lang may narinig siyang ingay—Isang ingay na parang may kumakalobkob sa isang kabinet, gaya ng magnanakaw na pwersahan na binubuksan ang kabinet. 

Bilang tugon ni Pyramia: kinuha niya ang mabigat na espada sa statwa, dahan-dahang pumasok sa silid, at sinuri ang ingay. May baho pa ng kandila ang kanyang mga daliri nang pinawi niya ang mga luhang bumabasa sa kanyang pisngi. Ang kanyang buhok ay para bang pugad ng ibon na inabandona; ngunit sa isip ni reyna, handa siya lumaban kahit nanlulumo pa ang kanyang puso. Nakita nga ng reyna ang gumagalaw na kabinet na parang mabangis na hayop sa silid ng kanyang anak.

Dahan-dahang humawak si reyna Pyramia sa kandado na tila isang purkyupino dahil sa kanya pagdadalawang-isip. Nakatutok ang espada ng reyna katulad ng isang buntot ng alakdan. Pagbukas niya, dumilat ang maputlang mukha ng isang babae, namumuti ang labi nito na wari bang binabalot ng yelo, at bumubulong ang hininga nito na tila galing sa malalim na balon. 

"Perlend?" Dumilat ng malaki ang mata ng reyna, kumalampag sa sahig ang espada na parang sangang nahulog mula sa pagkakaputol sa puno, at tumirik ang takbo ng segundo nang ilang saglit. "Ikaw ba talaga iyan???" Napaatras siya na may halong pagdududa na baka naghahalusinasyon lamang siya. 

"Mama!!!" Tawag ni Perlend, mabagal iyon na parang pasan niya ang buong daigdig. Sa halip na yakapin siya ng kanyang ina. Isang sampal ang binitawan ni reyna Pyramia, at nag-iwan ng pasa sa pisngi. Dala ng galit at pagkabigla kaya nagawa niyang sampalin si Perlend; na dati, kahit ang pagdapo ng langaw ay mahigpit niya iyong pinipigilan; ngunit ngayon, hindi niya napigilan ang sarili dali sa nagawang paglayas ni Perlend. Ngunit nang makita niya ang kanyang anak naalala niya ang sumpa, nakaramdam si reyna Pyramia ng pagkaawa at nakonsiyensya kung bakit nasaktan niya ito kaya, umalis siya sa harap ni Perlend.

 Nakita ni Pyramia ang sanggol na kasama ni Perlend na nakalagay sa isang maliit na saklay sa likod nito. Umiiwas si Pyramia kay Perlend ngunit pilit naman na lumalapit si Perlend. Lumuluha si Perlend habang sinisikap na pansinin siya ng kanyang ina, kahit na kinakapos na siya ng hininga; hinabol niya hanggang sa nakarating sila sa tapat ng pintuan. Ramdam ni Perlend ang galit ng kanyang ina lalo na't ngayon lang siya nagpakita sa loob ng isang taon, na ang buong akala ng lahat patay na ang prinsesa. 

"May sekreto ka palang lagusan??" Tumango lamang si Perlend sa tanong ni reyna Pyramia na parang walang dela para magpaliwanag sa pagkakabunyag ng sekreto. Ang paningin ni Perlend ay parang sumasayaw na ang paligid at sumasakit ang kanyang ulo, gusto man niyang magpaliwanag ngunit nahihiya din siya sa katutuhanang sumuway siya sa kanyang mga magulang. 

Umirap ang ina ni Perlend at ayaw siya nito tingnan. Napako muli ang mga mata ni Pyramia nang matuklasan niya ang dahilan kung bakit nakakalabas si Perlend noon ng hindi nila namamalayan; kahit ang ama ni Perlend ay wala rin ulirat sa bagay na ito, dahil pala sa kapilyuhan ng dalaga na handang gawin ang lahat para lang masunod ang sigaw ng puso.

Dati kasi, palaging iniistrikto ni reyna Pyramia ang paggala sa labas ng palasyo ng kanyang dalagang anak, malaki ang kutob ng reyna noon na walang lalaki na hindi magkakagusto sa kanyang anak na prinsesa; sa takot niya sa sumpa ng phoenix, minabuti niyang maging striktong ina. Datapuwa't nasasakal pala ang prinsesa dahil sa sobrang pag-aalala ng reyna sa sumpa. Sa mga oras na ito, dahan-dahang tinanggap ni Pyramia ang kanyang pagkakamali din, kung bakit nagawa ni Perlend na mag-asawa at magtanan sa ibang lalaki. Ngunit hindi niya lubos maunawaan kung bakit gagawin ng isang mabait at tahimik na anak nila ang pagtanan at saktan ang kanilang damdamin, gayung para sa kabutihan naman ni Perlend ang tanging hangarin nila. 

"Mama, nabalitaan ko ang tungkol kay papa...at" Sabi ni Perlend ng makita niya ang korona ng kanyang ama sa kamay ni reyna Pyramia, nanginginig ang mga daliri ni Perlend at paisa-isa ng paghangos, lalong lumalakas ang kapit ng sumpa sa kanya dahil sa kapighatian na kanyang nadarama ngayon, at tinubuan na rin siya ng pantal-pantal sa maputlang balat. 

Nang mabalitaan ni Perlend na pumanaw ang hari ng Peronica isang Linggo na rin ang lumipas kasabay sa pagsilang ni Pyramus. Kaya isa rin ito sa dahilan ng pagmamadali ni Perlend na umuwi sa Peronica kahit nahihirapan na siya sa kanyang kalusugan; bago pa siya nakarating sa peronica, hirap na siya lumakad mabuti na lang walang tigil na inalalayan siya ng kanyang personal na katulong, at ngayon iniwan niya sa labas ng lagusan upang hintayin siya.

"Ang tagal niyang nagluksa nang mawala ka sa Peronica, ayaw niya matanggap ang pagkawala mo, ang buong akala ng lahat namatay ka na o kinain ng mabangis na hayop doon sa malapit na batis, na sekretong pinupuntahan ng mga dalaga, at dahil sa lintik na lagusan na yan!" Tumulo ulit ang luha ni Reyna Pyramia nang maalala ang labis na pangungulila ng kanyang asawa sa nawawalang anak noon. "Kung alam mo lang, walang araw na hindi tumigil ang iyong ama sa paghahanap at walang gabi na hindi ito natutulog sa kakaisip sayo." Niyakap ni Pyramia ang korona na kailanman hindi na muli niya makakapiling ang hari. "Tapos, lilitaw ka lang ngayon kung kailan patay na ang ama mo?" Naiwan sa ire ang katanungan na yon na isang malaking dagok sa pagkatao ni Perlend.

Bumuhos ang luha ni Perlend nang marinig niya ang nangyari sa kanyang ama, kumikirot na parang isang kutsilyo na humihiwa sa kanyang puso lalo na sa kwento ng ina niya. Humandusay siya sa paanan ng ina at humihingi ng patawad. 

"Patawad... patawad..." paulit-ulit niya iyon binibigkas habang bumabagsak ang mapait na luha na pumapatak sa paa ng ina, ngunit ang mga luhang iyon ay sariwang humahalik sa Paa ng reyna't ramdam ang taimtim na pagsusumamo ni Perlend. Ngunit ang malamig at ang malungkot na mukha ng kanyang ina ay nagtatanong lamang kung bakit nagawa niya iyon; hindi naman nagkulang ang kanyang mga magulang, ngunit ang ginawa ni Perlend ay daig pa ang paghila at pagtulak sa bangin.

"Bakit??" Isang katanungan na kahit ang mga makata sa kasaysayan ay mapapaisip ng malalim—alam nila ang nangyari sa kasaysayan pero mapapatanong kung bakit nga ba nangyari yon? Ngunit para kay Perlend, luha at pagsisisi lamang ang sagot niya. Ang mga labi niya ay walang boses na umaalpas, isang ugong na hindi marinig kahit nakabukas ang bibig niya. "Bakit mo nagawa ito sa amin, Perlend?" 

Ilang segundong nagreyna ang katahimikan at kapwa sila linamon ng sariling pagsisisi. Ngunit, ang ingay ng sanggol ang pumunit ng kanilang katahimikan, kaya kinuyom ang puso ni Reyna Pyramia nang marinig ang walang kamalay-malay na sanggol sa katigasan ng ulo ni Perlend. Ngunit, nang makita niya ang mukha ni Perlend, tumigas muli ang kanyang damdamin, at tinanong si Perlend: "Sino ang ama ng batang yan?" Tumaas muli ang mga kilay ng reyna at kinikilatis ang bawat luhang dumadaloy sa mukha ni Perlend.

Napahangos si Perlend at pinunas ang mga luha sa pisngi ng may pag-aaklas sa kanyang kalungkutan. Matapang ang kanyang mga mata nang tumingin sa kanyang ina gaya ng isang babaeng mapangahas. "Minahal ko si Xerxez." Parang espadang nagtatagisan ang mga kilay ng reyna nang marinig niya ang pamilyar na pangalan. "Isang hari ng Thallerion ang ama ng aking anak."

"Si Xerxez?" Nanginginig ang mga labi ni reyna Pyramia ng banggitin niya ang pangalan ni Xerxez at muntik pang mahimatay si Pyramia na parang pinukpok ng matigas na martilyo dahil sa buong tapang na ipinakilala ni Perlend ang totoong ama ng sanggol. "Ang kasal sa Thallerion—yon pala ay ang kasal nyo?" Napaupo siya sa higaan at nanlupaypay na parang kastilyong buhanging niragasa ng alon. "Paano nangyari yon?" Hindi lubos maisip ni reyna Pyramia ang katutuhanang si Xerxez lang pala ang dahilan ng pagkawala ng prinsesa nila noon. Ang mga mata ng reyna ay parang lumulusob sa digmaan—nagtatanong, kung bakit nagawa iyon ng hari sa kanila?

Sa mata ng reyna Pyramia, parang kaaway si Xerxez na may hawak na bihag; subalit , si Xerxez ay walang malay sa kasinungalingan ni Perlend at ngayon iniisip ng reyna, si Xerxez ang dahilan ng lahat. "Pababayarin ko ang hari ng Thallerion!!!" Dumugo ang daliri ng reyna nang kinuyom niya ang korona ng kanyang asawa at lumalaki ang kanyang mata at nagliliyab. Nakita ni Perlend kung gaano nadismaya ang kanyang ina kaya minabuti niyang maging malinaw sa isip ng reyna na hindi si Xerxez ang dahilan ng lahat—Kundi siya mismo!

"Mama, walang kasalanan si Xerxez!!" Lumuluha si Perlend. Tumabi siya sa reyna at dahan-dahang hinawakan ang mga kamay nito para hindi saktan ang sarili sa korona. "Ako. Ako yong nagsinungaling!" Napatingin tuloy ang reyna at parang itinatakwil sa tabi si Perlend. 

"Tama na Perlend!!!" Sabi ni reyna Pyramia, na halos takpan niya ang kanyang mga tenga sa mga mapapait na rebelasyon na sinabi ni Perlend. "Sinaktan mo na ako ng paulit-ulit!" Nalinis na ng luha ang mga kosmetik na pantapal sa mukha ng reyna at ngayon hindi parin natitigil ang pag-agos ng sariwang luha sa kanyang pisngi.

"Mama, natakot ako na—" nauutal si Perlend, dahil kinakapos siya ng hininga at napapaos. "Na baka hahadlangan nyo ang aking mithiin sa buhay—Mahal ko si Xerxez!" 

"Nababaliw ka na ba??? Palakat ni Pyramia na tulad ng espadang isinaksak ng malakas. "Hindi mo ba naririnig ang sarili mo?" Iniwakli niya ang kanyang braso sa pagkakahawak ni Perlend, at pagkatapos suminghal ng mariin. "Pinangaralan kita mula pagkabata na huwag kang tutulad sa normal na babae. Pero ang tigas ng ulo!" Sinundot niya ng mahina na merong pag-aalinlangan ang nuo ni Perlend; subalit, napapikit lamang si Perlend sa akalang sasampalin siya. Ngunit mapagmahal na ina si reyna Pyramia kaya hindi niya magagawang sampalin ng paulit-ulit. Ang unang sampal lamang niya ay bunga ng kanyang pagkabigla at pangungulila. "Sana sinabi mo na lang sa amin na mag-aasawa ka pala, hindi sana naging malubha ang sitwasyon natin ngayon, hindi sana dinibdib ng ama mo ang iyong pagkawala." Giit pa ni Pyramia. 

"Mahal ko si Xerxez... At alam kong paghihiwalayin mo kami kung sasabihin ko sa inyo ang bagay na ito noon. Ang totoo, naghintay din ako ng pagkakataon na sabihin sa inyo na umalis ako upang makasama si Xerxez, subalit pinigilan ako ng aking mga alalahanin, maging sa kondisyon ko man ay hindi ko din naaamin sa kanya ang totoo ."

"Ano ba ang pinakain sayo ng lalaking yon at nabulag ka sa pag-ibig?" Umalingawngaw ang tanong ni reyna Pyramia sa malungkot na silid ng prinsesa. "Hindi ako makapaniwalang nagkaroon ako ng anak na tulad mo mag-isip!" Napapasulyap si reyna Pyramia sa balat ni Perlend na tinutubuan ng mga paig, gaya ng hinog na ubas. "Ang sumpa ng Phoenix ay nakikita ko na ngayon sa aking harapan... Perlend, wag mo akong iiwan." Pagmamakaawa ng reyna ngunit alam niya na walang sinuman ang makakaligtas sa sumpa.

 Napatigil na lamang si reyna Pyramia dahil mukhang lumalala na ang kalagayan ng kanyang anak, halos paisa-isa na lang iyon kung humangos at pinagkakaitan pa ng masidhing damdamin. Hindi na galit ang nagrereyna sa puso ni Pyramia kundi ang awa na pumapaltik sa katutuhanang parang nasa labas na ng pintuan ang sundo ni kamatayan para sunduin si Perlend dahil sa sumpa ng Phoenix.

"Sa tingin ko hindi na ako magtatagal sa mundong ito, patawarin mo sana ako mama." Pilit na pinapakalma ni Perlend ang sarili habang tinitiis ang pangingirot ng mga kalamnan at pangangalay ng mga buto niya.

"Ang iyong pagbabalik ay sapat na para sa akin upang patawarin kita, kung buhay pa sana ang iyong ama, patatawarin ka rin niya, anuman ang nagawa mo, patatawarin at mamahalin ka namin." Niyakap ni Perlend si reyna Pyramia at nabuhayan ang mukha niyang parang hindi nasisikatan ng araw.

"Salamat, mama." Tugon ni Perlend. "Heto ang sanggol, ang magpapatuloy sa dugo ng Phoenix na alam ko, hinangad nyo rin ang sandaling ito." May guhit ng kasiyahan sa mukha ni Perlend at nahawa din ang reyna. "Kung buhay ko man ang maging daan para magpatuloy ang lahi ng angkang phoenix, ay handa kong isilang ang sanggol na bunga ng tunay kong pagmamahal kay Xerxez."

"Anak, mas gugustuhin ko pang matapos na lang ang dugo ng Phoenix, kay sa makita kitang nagdurusa." Bumigat ang baba ni Pyramia nang marinig ang sagot ni Perlend kahit totoong naiinggit ang reyna sa mga tao noon kapag nagkakaroon ng mga apo, pero sa tuwing naiisip ng reyna ang sumpa sa angkan na pinagmulan niya, parang may karayom na tumusok sa kanyang puso. "Ngunit, wala narin tayo magagawa , dahil nandyan na rin naman ang sanggol." Mala-pusa ang kanyang pagkuha sa sanggol sa mga braso ni Perlend. Ang mukha ng sanggol na parang anghel ay pinawi ang nagdadalamhating puso niya.

"Pyramus." Sabi ni Perlend, siniguro niyang hindi paos ang kanyang boses nang sabihin niya ang pangalan ng sanggol. "Pyramus ang ipinangalan namin sa kanya." Humiga si Perlend sa kama dahil sa pagod ng kanyang katawan, naramdaman muli niya ang haplos ng tela, ang malambot na parang bulaklak na kama, at ang bango nito ay hindi parin kumukupas na Sakura.

Alam ni reyna Pyramia na kapag ang dugong Phoenix ay nag-asawa sa hindi dugong Phoenix, ang anak nito ang magkakaroon ng sumpa. Ayon sa mga matatanda sa Peronica, ang sumpa ay isang sakit na kumakalat sa buong katawan; subalit, ito ay walang lunas. At lalong mapapalala ang karamdaman kapag ito ay manganak na tuluyan ng manghihina ang kanyang katawan na parang bulaklak na malalanta na lang kalaunan.

More Chapters